Quantcast
Channel: Featured Story – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 50

Bagong sigwa

$
0
0

lathalain

Ang pangulong nangakong magwawakas daw sa droga at krimen ang siya ngayong nauulol sa karahasan. Tila hindi pa sapat ang libu-libong mga buhay na kinitil, mga kabataan naman ngayon ang sunud-sunod na pinupuntirya ng kanyang madugong giyera.  

Malinaw ang lumabas sa awtopsiya: binugbog si Carl Arnaiz, 19 at dating mag-aaral ng UP, bago pinaulanan ng limang bala ng pulis-Caloocan. Ang kasama niyang si Reynaldo de Guzman, 17, ay natagpuan namang patay sa Nueva Ecija, tadtad ng tatlumpung saksak. Dalawang araw bago ang pagpaslang kay Arnaiz, dinampot, kinaladkad, at tatlong beses na binaril ng pulis-Caloocan si Kian Delos Santos, 17, bago itinambak ang bangkay na parang basura.

Walang bahid ng pagsisisi ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa isa pang operasyon kontra-droga kamakailan sa Lanao del Norte, tinadtad ng bala ang katawanjj ng isang limang-buwang gulang na sanggol at ang kaniyang inang tatlong-buwang buntis, kasama ang tatlo pang miyembro ng kanilang pamilya.

Nagtatago sa tabing ng “pinsalang kolateral” ang tunay na layunin ng administrasyon sa giyera kontra-droga. Mula nang maupo si Duterte, hindi bababa sa 29 menor-de-edad na ang napatay ng Oplan Tokhang, ayon sa tala ng Children’s Rehabilitation Center. Hindi ito pinsalang kolateral. Ito sa katotohanan ang target ng giyera ni Duterte: ang balutin sa takot at karahasan ang bansa upang lalong makapaghari ang iilang makapangyarihan at mayayaman na tunay nitong pinagsisilbihan.

Tuluy-tuloy at walang humpay ang mas malawak na digmaang ikinakasa ng pamahalaan laban sa mga maralita at mga kabataan. Dahil sa hindi matapos na bakbakan sa Marawi, humigit 80,000 nang mga bata ang tinatayang apektado ng walang tigil na aerial bombing ng militar, ayon sa National Council of Churches in the Philippines.

Ginagawang lehitimo ng Batas Militar sa Mindanao hindi lamang ang karahasan sa Marawi, kundi pati na ang matagal nang agresyon ng militar at paramilitar sa lupain ng mga Lumad. Sa katunayan, sa gitna ng protesta ng mga Lumad, hayagan pang nagbanta si Duterte na bobombahin ang kanilang mga paaralan. Noong ika-6 ng Setyembre, pinatay ng dalawang miyembro ng paramilitar ang kabataang Lumad na si Obillo Bay-ao, 19-taong gulang.

Walang sinumang nanagot at naparusahan sa mga kaliwa’t kanang pamamaslang na ito, patunay ng matagal nang umiiral na kultura ng karahasan at kawalang pananagutan sa bansa.

Mistulang baliw ang pangulo, ngunit kalkulado ang bawat bigwas ng karahasang pinalalasap niya sa mga Pilipino, at wala nang pagpapanggap ang kabulukan ng mga kasapakat niyang mga ahensya at institusyon sa gobyerno: Kongreso, Commission on Appointments, kapulisan, militar.

Kung kaya walang puwang ang pag-aalinlangan at pagiging kimi. Dapat tapatan ng organisadong pagkilos ng sambayanan ang opensiba ng estado laban sa ating mga karapatang pantao. Kinakailangang balikan at pagtibayin ang mga prinsipyo ng ating paglaban, ang kalidad ng mga protesta at antas ng diskurso. Lumalakas na ang mga pagkilos, at lalo pang dapat palawakin at patatagin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan sa harap ng bantang deklarasyon ng Batas Militar sa buong bansa.

Hindi na bago sa atin ang matapang na paglaban sa pasismo. Nakaukit sa kasaysayan kung paanong nag-alay ng buhay ang mga estudyante ng UP noong panahon ng diktadurang Marcos. Ngayong armas naman ng rehimeng Duterte ang nakatutok sa mga maralita at sa ating mga kabataan, hinihinging muli ng panahon ang muling pagsiklab ng ating katapangan.

Sapagkat karahasan ding maituturing, kung hindi man karuwagan, ang hindi pagsama sa mahalagang labang ito ng sambayanang Pilipino. Sa hinaharap, babalikan ng mga susunod na henerasyon ang panahong ito at hahatulan ang ating naging tindig at pagkilos. Huwag nating biguin ang kasaysayan. Huwag nating biguin ang sambayanan. Sumama tayong lahat sa pagkilos bukas! ■

The post Bagong sigwa appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 50

Trending Articles