■ Mga larawang kuha nina Chester Higuit at John Reczon Calay
Nagsimula ang “Occupy Bulacan” nang silungan nang mahigit 5,000 maralitang walang sariling tahanan ang mga nakatiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan, ika-8 ng Marso, kasabay ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Matagal nang sinimulan ng ilang pamilya ang pagproseso ng legal na dokumento para sa mga tahanan, subalit nang walang napala, napilitan na silang okupahin ang espasyong pinagkakait ng pamahalaan.
Nagbigay pa ang pamahalaan ng 30 porsiyentong bawas sa buwis mula sa kita ang mga kompanyang kabahagi, gaya ng: JC Uyecio Construction and Development Co., na gumawa ng mga pabahay sa Villa Elise at Pandi Heights II;ang Atlantica Realty and Development Corp. na siyang gumawa naman ng pabahay sa Pandi Village II; at Lak-K Builders Co. na gumawa naman sa Pandi Residences III sang-ayon sa Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279, ayon sa pagsasaliksik ng Pinoy Weekly.
Unang inilaan para sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga pabahay na ito sa ilalim ng Administrative Order No. 9, s. 2011 ng dating Pangulong Benigno Aquino III. Subalit, inayawan ito ng mga sundalo buhat ng maliit na espasyo ng bawat yunit at sa layo nito sa kanilang trabaho, ayon sa paliwanag ni Commander Elpidio Trinidad Jr., tagapangulo ng AFP Housing Board, sa isang pagpupulong sa pagitan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Bise Presidente Leni Robredo, at mga opisyal ng AFP, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology hinggil sa mga pabahay.
Sa kabila ng paglalakas-loob ng mga pamilyang nagbakasakaling magkabahay sa Pandi, hindi matanggal sa mga mata nila ang takot na mapaalis at mapahamak. Sa huling lingo ng Marso, tumulak ang mga armado at naka-unipormeng mga militar upang magpaskil ng mga abiso sa mga mamamayan na lisanin sa agarang panahon ang mga tahanan.
Umaabot sa P20.78 bilyon ang pondong inilaan sa pabahay sa ilalim ng Public-Private Partnership. Binigyan ng pamahalaan ang mga kompanyang kasangkot sa proyekto ng exemptions sa mga buwis na: capital gains tax sa mga lupaing ginamit sa proyekto; value-added tax para sa kontraktor ng proyekto; transfer tax para sa raw at nakumpletong proyekto; at donor’s tax para sa mga lupaing sertipikado ng lokal na pamahalaan na binigay na para sa mga proyektong pabahay ng gobyerno, ayon sa tala ng independent research organization na IBON Foundation.
Isa ang pamilya ni Giezel Bernal, 18, sa mga lumipat sa Pandi, Bulacan mula sa Bocaue. Bilang estudyante na nag-aaral na sa senior high school, malaking pasanin sa pamilya nila ang binabayaran sa upa sa dating tirahan na umaabot sa P2,000 kada buwan, lalo na’t kasabay niya sa pag-aaral ang dalawang kapatid na nasa elementarya.
Tahanan lamang ang tanging hiling ng mga pamilya roon, ayon sa mga nakapanayam ng Collegian. Napakahirap umupa ng tahanan lalo na kung nagpapaaral ng mga anak, at walang regular na trabaho at mababa ang sweldo na umaabot lamang sa mahigit 450 kada araw ng mga naghahanap buhay sa pamilya.
Tanging isa’t isa ang sinasandalan ng komunidad ng mga maralita na napiling sumilong sa mga bakanteng tahanan sa Pandi. Isa sa mga grupong naroroon ay mga pamilyang mula sa Navotas na napiling sumama sa “Occupy Bulacan” upang magkaroon ng sariling tahanan.
Anila, basta’t sama-sama, ipagpapatuloy nilang ipapanawagan ang tuluyang pagkakaloob sa kanila ng mga bakanteng pabahay, lalo pa’t iilan sa kanila ay biktima ng demolisyon at napilitang umupa nang mahal na masisilungan sa Kamaynilaan. ■
The post SILONG: Sipat sa Pag-okupa ng mga Maralita sa Pabahay ng Gobyerno sa Pandi, Bulacan appeared first on Philippine Collegian.