Quantcast
Channel: Featured Story – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 50

Hungkag na kapayapaan

$
0
0

EDITORYAL

Tuluyan nang nahawi ang tabing na nagkukubli sa kamay na bakal ng administrasyong Rodrigo Duterte.

Binalot ng ligalig ang bansa nang magharap ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at teroristang grupong Maute sa bayan ng Marawi, Lanao del Sur. Nagresulta ito sa ilang daang kaso ng pagbabakwit—may mga natalang sugatan at napaslang sa gitna ng alitan. Ngunit sa halip na maghain ng negosasyon kasama ang rebeldeng grupo, agarang deklarasyon ng batas militar sa buong Mindanao ang naging tugon ng administrasyong Duterte.

Sa pagpapaigting ng takot at pangamba sa mga sibilyan, lumalabas na ang gobyerno ang siyang terorista ng bayan: isang balakid sa pagkamit ng seguridad at makatarungang kapayapaan sa lipunan. Ginawa nitong tungtungan ang insidente upang gawing lehitimo ang operasyon ng militar sa Mindanao, na matagal nang espasyo ng tunggalian sa pagitan ng gobyerno at mga grupong nais magkaroon ng politikal at pang-ekonomikong kapangyarihan sa rehiyon.

Hungkag na tugon ang Batas Militar sa ugat ng mga isyung nagreresulta sa pag-aklas ng mga grupong tulad ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front, gaya ng problema sa kawalan ng lupang sakahan at karapatan sa sariling pagpapasya ng mga Moro. Sagana ang Mindanao sa likas-yaman ngunit naghihirap ang mamamayan nito—mula sa Mindanao ang 11 sa 20 probinsyang may mataas na kaso ng kahirapan noong 2015 kung saan pinakamahirap ang Lanao del Sur, base sa tala ng Philippine Statistics Authority.

Malaon nang napatunayan sa kasaysayan na walang idinulot ang Batas Militar kundi pambubusabos sa karapatan ng mga sibilyan at matinding korupsyon sa pamamahala noong 1970s sa ilalim ni dating Pangulo Ferdinand Marcos. Wala ring napala ang mamamayan nang ideklara ito sa Maguindanao noong panunungkulan ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo, mailap pa rin ang hustisya para sa 58 kataong pinaslang, kung saan 32  ay mga mamamahayag, noong 2006 ng angkang Ampatuan.

Kung kaya’t sa pagsasailalim ng Mindanao sa batas militar, lumilikha lamang ng patung-patong na tensyon at krisis ang pamahalaan—kung idadagdag pa ang mga naitalang kaso ng pandarahas at pamamaslang sa nagdaang apat na dekada. Simula ng operasyon ng Oplan Kapayapaan na nilalayong supilin ang rebelyon sa Pilipinas, at deklarasyon ng all-out war ng AFP kontra sa rebeldeng New People’s Army noong Pebrero, libu-libong sibilyan, katutubo, at mga magsasaka partikular sa Mindanao ang naging biktima ng sunod-sunod na pambobombang operasyon ng AFP, ayon sa tala ng grupong Karapatan.

Lagi’t lagi, magpapatuloy lamang ang siklo ng karahasan kung hindi matutugunan ang ugat ng pakikibaka ng masang naapi.

Kailangang bakahin at harapin ng kasalukuyang administrasyon ang mga isyung matagal nang hinaharap ng kalakhan ng mamamayang Pilipino. Mahalagang isantabi ng pamahalaan ang pansariling interes nito upang buong makapaglingkod sa mga maralita—makapagbigay ng abot-kayang serbisyo gaya na lamang sa edukasyon at kalusugan.

Kakambal naman nito ang pagiging alerto ng mamamayang Pilipino sa bawat palisiyang ipinatutupad ng gobyerno. Nagbanta pa ang administrasyon na maaari nitong iangat ang deklarasyon ng batas militar sa buong bansa, kung kaya’t lalong mahalaga ang pagmamatiyag at pagtuligsa ng bawat sektor ng lipunan sa anumang porma ng pandarahas mula sa estado.

Makakamit lamang ang tunay at pangmatagalang kapayapaan kung matutugunan ang ugat ng kahirapang nagluluwal ng rebelyon at karahasan mula sa mga naghihirap na mamamayang biktima ng kapabayaan ng pamahalaan. Pangangailangan ang pagsuporta sa usapang pangkapayapaan na naglalayong resolbahin ang mga suliranin ng bansa sa halip na muling paigtingin ang karahasan sa ilalim ng batas militar. ■

The post Hungkag na kapayapaan appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 50

Trending Articles